الجمعة، 16 أغسطس 2024

ANO ANG GHEEBAH?

 

❓ANO ANG GHEEBAH?
Naiulat ni Abu Hurairah رضي الله عنه na sinabi ng Propeta Muhammad ﷺ:
🐝 “Alam ninyo ba kung ano ang Gheebah?”
“Ang Allah at ang Kanyang Sugo ang lubos na nakakaalam”, sagot ng mga Sahaabah (mga kasamahan) ng Propeta رضي الله عنهم.
🍯 At sagot ng Propeta ﷺ:
“(Ang Gheebah -Panlilibak- ay) ang pagbanggit mo sa mga bagay na hindi ikatutuwa ng iyong kapatid (patungkol sa kanya).”
May nagtanong, “Paano kung totoo naman ang binanggit patungkol sa kanya?”
🍯 Sagot ng Propeta ﷺ:
“Kung totoo ang binanggit mo (patungkol sa kanya na hindi niya ikatutuwa) ay nilibak mo siya. At kung hindi naman ito totoo (gawa-gawa lamang) ay pinaratangan mo siya ng masama (nagsinungaling ka).”
[Muslim]
🗒️ Napakarami ngang mga salita ang naririnig natin sa iba’t-ibang tao; mabubuti at masasamang salita. At kasama sa mga masasamang salitang ito na mahahanap natin sa halos lahat ng tao sa ating paligid ay ang Gheebah o panlilibak.
At sa Hadith na ito, ay sinabi sa atin ng Propeta ﷺ ang sukatan o basehan sa ating mga sinasabi kung ito nga ba ay Gheebah.
1️⃣ (Unang aral na makukuha natin sa Hadith na ito) “Ang pagbanggit mo sa mga bagay na hindi ikatutuwa ng iyong kapatid”, ito ang tignan natin sa ating salita.
Dahil katotohanan nga na kung hindi gustong marinig ng iyong kapatid ang isang bagay patungkol sa kanya ay bakit mo ito babanggitin sa ibang tao?
🗣️ Ikaw? Gusto mo bang banggitin o pag-usapan ka ng ibang tao patungkol sa masasama mong katangian?
⚠️ At nakakatitiyak ang lahat, na mayroon kang kapintasan, kamalian, o ikaw ay nakagawa ng kasalanan!
2️⃣ Pangalawang aral; hindi pupwedeng salihan ng isang Muslim ang sinomang tao na nanlilibak ng kanyang kapwa.
🛡️ At nararapat sa bawat Muslim na payuhan (sa maayos na paraan) ang gumagawa nito. At kung hindi siya tumigil ay iwan o iwasang samahan siya (makiupo kasama siya) sa isang pagtitipon (habang siya ay nanlilibak ng tao).
3️⃣ Pangatlong aral; nararapat sa sinomang nanlilibak o nakapaglibak ng tao na kalabanin ang kanyang sarili sa masamang asal o ugali na ito, na hindi niya ito magawa ulit sa ibang tao.
🛐 Humingi siya ng kapatawaran sa Allah, at humingi rin ng kapatawaran sa taong nalibak niya, at kung di niya kayanin ay ipag-Dua, ipanalangin niya siya.
🗳️ Gayahin niya ang ilan sa mga ginagawa ng mga Salaf, o mga naunang mabubuting tao, na kapag nakapanlibak sila ng tao ay nangako silang magbibigay ng Sadaqah, o mag-ayuno ng isang araw kapalit ng isang panlilibak.
🚦Ngunit mayroon namang (6 na) mga sitwasyon na ang pagsabi ng mga bagay na di ikakatuwa ng isang tao ay ipinapahintulot sa Islam;
1️⃣ Kapag dinaya o inapi ang isang tao at siya ay nagreklamo sa awtoridad.
Magrereklamo siya sa sinomang lider o namumuno ng kanilang bayan, na ‘Si Fulan ay ganito, ganyan’.
2️⃣ Kapag siya ay nagpapatulong sa ibang tao para maitama ang mali.
Tulad ng pagsabi niya sa isang taong may kakayanan na makatulong, ‘Si Fulan ay gumagawa ng ganito-ganyan, tulongan mo (kami) siya na itigil ang kanyang masamang ginagawa’.
3️⃣ Kapag naghingi siya ng Fatwa (hukom) sa mga Ulama.
Itatanong niya, sasabihin niya sa isang ‘Aalim (Iskolar) kung ano ang hukom sa taong ganito-ganyan ang ginagawa.
4️⃣ Kapag siya’y nagbibigay babala sa mga Muslim na ang isang tao ay gumagawa ng kasamaan na makakapinsala sa ibang tao.
Bagkus, magiging Waajib ang pagsabing ito patungkol sa masama niyang ginagawa upang maprotektahan ang mga tao at ang Islam.
5️⃣ Kapag kanyang binanggit ang masamang bagay patungkol sa taong siya mismo ay nagsasapubliko ng kanyang masasamang gawa.
6️⃣ Kapag siya ay naglalarawan ng isang tao, gamit ang isang katangian (masama man ito) na alam ng maraming tao.
Tulad halimbawa, na ang taong pinag-uusapan ay sikat sa lugar na iyon na siya ay pilay o di maayos maglakad at pandak.
🍽️ Maliban sa anim na puntong ating nabanggit, ay kapag sinabi mo ang isang masamang bagay patungkol sa'yong kapatid na hindi niya ikakagusto ay katotohang nilibak mo siya.
At kung hindi mo itinigil ang panlilibak mo sa kanya ay ihanda mo na ang iyong kutsara't tinidor dahil kakainin mo ang lamang ng kanyang bangkay 🤢🤮.

ليست هناك تعليقات:

إرسال تعليق